Friday, October 07, 2005

Batang Milenyo

Sa Wednesday, October 12, 5 yrs. old na ang Baby Bot. Ka-birthday n'ya pala si Pavarotti, kaya pala malaki rin ang t'yan, err, mahilig ring kumanta.

Flashback ng konti...October 11, 2000. Kung maayos pa ang memory ko, around 11:00pm noon ng dalhin namin si Mama Bot sa ospital dahil mukhang nagle-labor na s'ya. Expected na naman namin 'yon kaya nung nakaramdam siya e ready na ang lahat ng dadalhing gamit. Buong gabi kaming nagbantay kung anong mangyayari pero mukhang ayaw pang lumabas sa mundo ni Baby Bot.

Kinabukasan, ganun pa rin ang eksena. Nakauwi na ako sa bahay at nakabalik, tatlong beses na akong lumabas at kumain sa fastfood, pero ang dapat lumabas ayaw lumabas. Sa sobrang pagod nga ni Mama Bot sa pagle-labor, gusto na n'yang magpa-CS, pero ayaw ni doktora.

Finally, mga 6:00pm, after more than 18 hours tinawag na kami ni doktora. Tandang-tanda ko nung binuksan yung kurtina nung nursery at nakita ko si Baby Bot, di ako makapaniwala. Xerox copy! Sabi ko nga kay Nanay: "Ako 'to ah!" Sa tingin ko kasi e kamukhang-kamukha ko. Pero mga 10 seconds lang yun kasi isinara na agad 'yung kurtina. Buti na lang nai-video ko at nakuhanan ni Nanay ng picture kahit saglit lang.

Simula noon, napakaraming beses na kaming napasaya ni Baby Bot. Lokong-loko kami sa kaniya, lalo na ang mga lolo at lola, kasi nga unang apo siya. Kahit nga ang taba-taba nya noon na parang longganisa, ang tingin namin eh ang ganda ganda niya. Ganun siguro talaga 'pag sarili mong anak.


Sa ngayon siguro ay wala na kaming mahihiling para kay Ella Rei. Maganda, matalino, malusog at mabait din naman kung tutuusin. Masarap siyang kasama kasi kung kausap mo siya ay parang matanda rin. Madali kaming nagkakaintindihan. 'Yun nga lang minsan di ka makapagpalusot kasi napakagaling mangatwiran. Basta sa kaniya, bawal na iibahin mo 'yung unang sinabi mo o 'yung dating ginawa mo. I-expect mo na na hihingan ka niya ng explanation. Tama lang naman 'di ba?

Napakabilis nga ng panahon. 5 na si Baby Bot. Mamaya lang teenager na siya, dalaga na, nanay na..."Mama Bot" na. Kami naman "Lola Bot" at "Lolo Bot" ("Kulu Bot," he, he).

0 Comments:

Post a Comment

<< Home